Lahat tayo ay may kanya-kanyang pananaw sa buhay at mundo. Ang ating pananaw ay binubuo ng mga bagay na ating pinaniniwalaan at pinahahalagahan. Ito ang nagbibigay kulay at kahulugan sa mga bagay at pangyayaring nagaganap sa ating paligid at nagbibigay hugis sa ating pagkilos. Halimbawa, ang taong hindi naniniwala sa Diyos ay hindi magsisimba. Ang taong walang pakialam sa karapatan ng mga nasa sinapupunan ay hindi sasalungat sa pagpapalaglag o abortion. Ang mga kalalakihan na hindi pantay ang pagtingin sa mga kababaihan ay hindi maglalaan ng tamang respeto sa kanila.
Ang tanong ay ito: Saan ba nakatayo ang iyong pananaw?
Noon, maraming mga squatters ang namamalagi sa tabi ng tulay sa may amin. Minsan, dumating ang isang napakalakas na bagyo. Marami sa mga barong-barong na itinayo doon ang gumuho at nadala ng baha. Maraming mga batang namatay. “Bakit tumitira ang mga tao doon sa bahay na walang pundasyon at sa may tabing ilog pa?” “At bakit sila pinapayagan ng gobyerno?” Ito ang mga katanungan na hindi ko masagot sa aking sarili.
Matapos ang isang mahabang pangangaral ni Cristo, sinabi Niya ang ganito, “Ang sinumang makarinig ng aking mga pangaral at magsapamuhay nito ay tulad sa isang marunong na tao. Itinayo niya ang kanyang bahay sa bato. Bumuhos ang ulan, umapaw ang ilog at humampas ang malakas na hangin; subalit hindi ito nagiba sapagkat ang pundasyon nito ay nasa bato. Subalit ang sinumang nakarinig ngunit hindi nagbigay kabuluhan sa Aking mga pangaral ay tulad sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhanginan. Bumuhos ang ulan, umapaw ang ilog, at humampas ang malakas na hangin, at ito ay nawasak at nagiba (Mateo 7:24-27).”
Kung ang ating pananaw ay hindi nakatayo sa katotohanan, siguradong babagsak ang ating moralidad kapag nagkaproblema tayo, lalong-lalo na sa pera - tulad ng mga naguhong bahay sa tabing ilog na walang pundasyon nang bumagyo. Habang dumarami ang mga pulubi, mga magnanakaw, mga prostitutes, mga drug addicts, madalas na ang sinisisi ng madla ay ang gobyerno. Panahon na upang harapin ng mga Pilipino ang kani-kanilang personal na resposibilidad. Kailangang magbago ang pananaw ng bayan (sulat ni Conrado Tolosa, Lambat - posted with permission)
No comments:
Post a Comment