Ang paniniwala ay ang pagtitiwala sa katotohanan ng isang bagay, may katibayan man ito o wala. Ang isang paniniwala na batay sa katotohanan ay makapagdudulot ng benepisyo samantalang ang isang paniniwala na batay lamang sa haka-haka ay maaaring mauwi sa kapahamakan. Halimbawa, ang taong naniniwala sa suwerte ay madalas tumataya sa lotto, sa sabong o sa jueteng maski magkaubos-ubos man ang kanyang pera. At kapag mayroong mabuting bagay na nangyayari sa kanyang buhay sasabihin niya na siya ay sinusuwerte.
Ang tanong ay ito: Paano mo malalaman kung ano ang totoo?
Sa Genesis 2, nasasalaysay ang ginawang pagsuway ni Eba’t Adan sa kaisa-isang utos ng Diyos. Sinabi ng Diyos kay Adan na puwede siyang kumain ng bunga ng kahit anumang puno sa Hardin ng Eden maliban sa puno ng kaalamanan ng mabuti at masama. Binalaan siya ng Diyos na kung siya ay kakain ng bunga nito, siya ay tiyak na mamamatay. Ang sinabing ito ng Diyos ay pinabulaanan ng ahas sa hardin. Sinabi ng ahas kay Eba na hindi siya mamamatay maski kumain siya noong prutas na iyon.
Ang totoo ay yaong sang-ayon sa salita ng Diyos. Ang kasinungalingan naman ay ang kontra sa Kanyang salita tulad nang pagsasalungat na ginawa ng diablo. Sinabi ni Cristo sa Juan 8:44 na ang diablo ang ama ng kasinungalingan. Namatay nga si Eba’t Adan nang sila ay kumain ng bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama. Tinamo nila agad-agad ang kamatayang espirituwal (ang paghihiwalay ng Espiritu ng Diyos sa tao) at namatay din ang kanilang katawang lupa matapos ang maraming taon.
Minsan napag-usapan sa aming klase ang tungkol sa pagbabayad ng buwis. Noong mga panahong iyon, ang tawag sa BIR ay Bigay Ikaw Regalo. Balita ang pagiging corrupt ng maraming tax examiners. Balita rin na ang mga yumayaman sa lagay ay malaking magbigay sa simbahan. Naniniwala kasi sila na nababayaran ang kanilang mga kasalanang kapag sila ay nagbibigay sa simbahan o namumudmod sa mga mahihirap. Ang pagyaman sa ganitong iligal na paraan ay naging bahagi na ng kulturang Pinoy. Tinatawag natin ngayon ang nakapag-amas ng ill-gotten wealth na “ma-abilidad.” At ang ating maling katuwiran ay, “Eh, bakit pa tayo nasa puwesto?”
Sa Exodo 23:8, pinag-utos ng Diyos sa Kanyang bayan ang ganito: "Huwag kayong tatanggap ng lagay, sapagkat ang lagay ay nambubulag at nagbabaliko ng salita ng katarungan.” Sinasabi naman sa Proverbs 17:23 na, “Ang isang masamang tao ay tumatanggap ng lagay sa ilalim ng mesa upang patirin ang takbo ng katarungan.” (sulat ni Conrado Tolosa, Lambat - posted with permission)
No comments:
Post a Comment